Pagpapatawad

parable

Bigla kong naalala ang isang eksena, tatlong araw na ang nakaraan:

Katatapos lamang namin kumain ng aking kasintahan sa Maligalig na Bubuyog, ilang saglit bago kami pumanhik sa bus na magdadala sa amin sa lugar ng kanyang kapanganakan. Akoý pumanhik sa palikuran na nasa ikalawang palapag,  at pag-panaog koý nasilayan ko ang isang matandang babae na naka puwesto sa aking inupuan.

Itago na lang natin siya sa pangalang Nanay N. Ani ng aking kasintahan, hapung-hapo at mistulang nahihilo daw siya nang pumasok sa pintuan. Nangyaring ang aming lamesa’y kalapit nito kaya’t nakiusap siyang makiupo. Humatak ako ng ibang upuan at nakisali sa kanilang usapan.

Si Nanay N ay galing pa daw ng timog Luzon, patungo sa ospital upang magpatingin ng puso na kailangan operahan. May bitbit siyang dalawang bag na mukhang puno ng gamit, at hindi pa kumakain. Wala siyang ibang kasama. Napansin naming kakaiba ang kanyang boses, ipit at parang permanenteng naka-falsetto. Napansin namin na wala siyang ibang kasama. Sa aking tantya, ang edad niya ay hindi bababa ng 60 anyos.

Patuloy siyang kinumusta ng aking kasintahan, at nalaman namin ang kaniyang kuwento. Sa kanlurang Visayas pa talaga siya nagbuhat. Nawala ang kanyang cellphone habang bumibiyahe. Mayroon siyang apat na anak, lahat nasa Maynila, subalit hindi raw nila siya tinutulungan. Siya ay makikituloy sa kanyang mga malapit na kaibigian.

Ani ni Nanay N., nagpakahirap daw siyang magtrabaho noon upang mapa-aral ang kaniyang apat na anak at mapagtapos, maging ng kolehiyo. May ari daw siya ng isang karinderya noon na di-kalayuan sa aming kinauupuan. Noong nagtapos na ang kaniyang mga anak, nalungkot siya sa kinahinatnan ng kanilang buhay. Ang isa ay nagka-anak sa dalawang babae. Ang isa, hiwalay sa asawa, ang isa, pumatol sa may asawa, at ang isa pa, hindi ko na maalala, basta’t may problema din sa mga pakikipagrelasyon.  Nagbigay ang mga ito ng malaking kahihiyan kay Nanay N., at naging sanhi ng hidwaan nila.  Maliban dito, tumanggi daw ang kaniyang mga anak na alagaan siya o tulungan siya sa kaniyang mga nararamdamang pisikal. Hindi siya sinsamahan ng mga ito sa ospital o pinapatuloy sa kanilang mga tahanan sa tuwing siya ay bibiyahe ng Maynila. Mistulang malaking perwisyo pa si Nanay N sa kanila. Nakakalungkot, at nakakagalit.

Nasaktan si Nanay N., sa naging pagtrato sa kaniya ng kaniyang mga anak, mistula raw walang utang na loob. Matapos ng lahat ng ginawa sa kaniya, ganito pa raw ang ginaganti. Maliban sa away, ang isang anak daw niya ay sinakal pa siya. Hindi ko alam kung may kinalaman iyon sa pagtinis ng kanyang boses.

Ang kanyang naramdamang sakit sa kalooban ay luamgo hanggang ito ay nagpatuloy sa galit. Hindi niya mapatawad ang kaniyang anak, at isinumpa pa ito. Nagka-totoo ang sumpa, at ang anak niya ay nagsilang ng isang sanggol na may depekto sa atay at bituka pagka-panganak. Sumailalim sa operasyon ang sanggol, at nagawan ng paraan na malayo ito sa panganib, ngunit hindi na naibalik sa normal ang kalagayan niya. Gumastos daw ng higit isang milyong piso ang anak ni Nanay N. na siyang ina ng sanggol. Naisip ni Nanay N na tamang ganti lamang ito sa halos milyong pisong ginastos niya upang tustusan ang pag-aaral ng kanyang anak.

Nalungkot kami sa kinahinatnan ng kanilang buhay. Napaisip kami kung papaanong maibabahagi ang Mabuting Balita kay Nanay N., sa kabila ng maraming bagay na idinaramdam niya sa kaniyang puso. Malalamim ang mga sugat. Sa huli, ang nagawa lang namin ay makinig at ipanalangin si Nanay N. Hinahabol din kasi namin ang susunod na biyahe ng bus.

Mga ilang araw ko rin sinubukang ipagtanto kung papaano nga ba maipaparating sa kaniya ang mabuting balita. Dama mo sa kaniyang mukha at pananalita ang sakit, galit, at ang kawalang ng kapatawaran…

Nang maalala ko ang kuwentong ito kanina, naalala ko rin ang isang kuwento mula sa bibliya:

Ang Talinghaga tungkol sa Lingkod na Di Marunong Magpatawad

21 Lumapit si Pedro at nagtanong kay Jesus, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang aking kapatid na nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?”

22 Sinagot siya ni Jesus, “Hindi pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito.[d] 23 Sapagkat ang kaharian ng langit ay katulad nito: ipinasya ng isang hari na hingan ng ulat ang kanyang mga alipin tungkol sa kanilang mga utang. 24 Nang simulan niyang magkwenta, dinala sa kanya ang isang lingkod na may utang na milyun-milyong piso.[e]25 Dahil sa siya’y walang maibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, pati ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng kanyang ari-arian, upang siya’y makabayad. 26 Lumuhod ang lingkod sa harapan ng hari at nagmakaawa, ‘Bigyan pa po ninyo ako ng panahon at babayaran ko sa inyo ang lahat.’ 27 Naawa sa kanya ang hari kaya’t pinatawad siya sa kanyang pagkakautang at pinalaya.

28 “Ngunit pagkaalis roon ay nakita niya ang isa niyang kapwa lingkod na may utang sa kanya na ilang daang piso.[f] Sinakal niya ito, sabay sabi, ‘Magbayad ka ng utang mo!’ 29 Lumuhod ito at nagmakaawa sa kanya, ‘Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.’ 30 Ngunit hindi siya pumayag. Sa halip, ito’y ipinabilanggo niya hanggang sa makabayad.

31 “Sumama ang loob ng ibang mga lingkod ng hari sa pangyayaring iyon, kaya’t pumunta sila sa hari at nagsumbong. 32 Ipinatawag ng hari ang lingkod na iyon. ‘Napakasama mo!’ sabi niya. ‘Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. 33 Naawa ako sa iyo. Hindi ba’t dapat ka rin sanang nahabag sa kapwa mo?’ 34 At sa galit ng hari, siya’y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran nang buo ang kanyang utang. 35 Gayundin ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo taos pusong patatawarin ang inyong kapatid.”

Ang Mabuting Balita ng Diyos ay kapatawaran sa ating mga kasalanan sa Kanya. Isang kabayaran sa utang na hindi kailanman natin mababayaran. Ang kagandahang loob na ito, kasama ng pananahan ng Espiritu Santo sa bawa’t sumampalataya, ang nagbibigay sa atin ng kakayahan upang magpatawad ng iba. Ang pagpapatawad rin ay magpapalaya sa atin mula sa poot at galit na patuloy na sumisira sa mga buhay. Kapag tayo ay nagpatawad, pinuputol natin ang pagkalat o paglaganap ng mga ito.

Siguro nga hindi namin maeexpect si Nanay N na magpatawad hangga’t mapatawad muna siya ng Diyos. Siguro nga kailang muna niyang mapagtanto na siya mismo ay may mas malaking kasalanan sa Diyos, at na ang Diyos ay handang magpatawad sa kaniya.

Ako’y nagsisisi na hindi ko ito nabahagi sa kaniya. Alam naman namin na ang pagkakataon na makausap, mapakinggan, at mapanalangin siya ay isang pamamaraan ng pagtanim ng binhi ng Mabuting Balita. Sana nga lang ay dumating ang araw na makilala ni Nanay N at ng kanyang pamilya ang Panginoong Nagpapatawad.

Pakisama po ninyo sa panalangin si Nanay N.

 

Mga katanungan:

Sa tingin mo ba ay kailangan mo ang kapatawaran ng Diyos?

Ikaw ba ay napatawad na ng Diyos?

Kung ikaw ay napatawad na, mayroon ka bang tao na hindi pa napapatawd?

Nakaranas ka na ba ng masamang epekto ng hindi pagpapatawad?

 

 

Advertisements
This entry was posted in Uncategorized. Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s